-- Advertisements --

Posibleng makarekober na ang pork supply sa bansa sa susunod na tatlong linggo, ayon sa Department of Agriculture.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaki ang naging konsumo sa nakalipas na holiday season kaya’t bahagyang bumaba ang pork supply.

Sa ngayon ay bumabalik na aniya ang normal na konsumo kaya’t posibleng tataas na ang supply ng karne ng baboy sa susunod na tatlong lingo sa tulong na rin ng tuluy-tuloy na local production at sapat na volume ng imported pork.

Sa ngayon aniya, bagamat limitado ang suplay ng karne ng baboy, nananatiling matatag ang suplay sa iba’t-ibang mga merkado sa bansa.

Samantala, batay sa monitoring ng DA Bantay Presyo sa mga palengke sa Metro Manila, naglalaro ang presyo ng pork liempo mula P370 hanggang P450 kada kilo.

Umaabot naman sa P330 hanggang P400 ang kada kilong presyo ng kasim.

Ayon sa DA, nananatili pa ring apektado ng African Swine Fever (ASF) ang hog industry sa bansa.