PASAY CITY – Ibinunyag ng Philippine Olympic Committee (POC) na ihahain na nila sa susunod na linggo ang pormal na bid ng Pilipinas upang maging host ng 2030 Asian Games.
Ayon kay POC president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, magtutungo raw ito sa Jakarta, Indonesia upang doon isumite ang letter of intent, lalo pa’t nataon din na magtutungo doon ang liderato ng Olympic Council of Asia (OCA).
Sa ngayon aniya ay tanging ang bansang Uzbekistan pa lamang ang nakapagparehistro bilang isa sa mga bansang interesado na i-host ang naturang malaking sporting event.
Sinabi naman ni Tolentino sa naunang panayam ng Bombo Radyo na malakas ang laban ng Pilipinas sa hosting ng Asiad dahil na rin sa magandang resulta ng pag-host nito sa 30th Southeast Asian Games.
Paliwanag ni Tolentino, may bentahe ang Pilipinas sa Uzbekistan lalo na sa usapin ng mga pasilidad na gagamitin para sa nasabing event.
“Sakaling makuha natin [ang hosting ng Asian Games], mayroon pa tayong 10 taon ng preparasyon. Dagdag na facilities, training, etc.,” wika ni Tolentino.
“Marami na tayong leksyon na natutunan ngayong SEA Games so fine-tuning [na lang at] kayang-kaya na po natin mag-host ng [Asiad].”
Samantala, ipinamigay na rin ng POC ngayong araw ang pangako nitong cash incentive sa lahat ng mga Pilipinong atleta na nakapagbulsa ng medalya sa SEA Games.
Sa ginanap na Christmas Party ng POC, iprinisinta ng komite ang mga tseke sa mga atletang nag-ambag sa pagiging overall champion ng Pilipinas sa biennial meet.
Una nang sinabi ni Tolentino na magpapamudmod sila ng halos P53-milyong extra incentives, na natipon nila sa paghingi ng tulong sa ilang mga sports patrons, at sa ambagan na rin ng ilang mga mambabatas sa Kamara.