DAVAO CITY – Mahigpit na binabantayan ngayon ang supply ng tubig na maiinom sa mga evacuation center sa Davao De Oro. Nabatid kase na siyam na evacuation center sa Davao De Oro ang nangangailangan ng portable drinking water.
Sa nabanggit na bilang, mayroong limang evacuation center sa Maco, tatlo sa Nabunturan at isang evacuation center sa New Bataan. Sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), ang portable drinking water ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima na kasalukuyang ipinamamahagi sa mga evacuation center sa lalawigan.
Batay rin sa ulat ng RDRRMC, noong Marso 12, nasa 70 barangay sa Davao De oro ang naapektuhan ng lindol kung saan 6,720 pamilya o 31,120 indibidwal ang apektado. Mula sa nabanggit na bilang, nasa 1,826 na pamilya o 7,923 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers. Samantala, patuloy paring dumadating ang mga relief operation mula sa iba’t ibang probinsya at lungsod.
Matagumpay ding naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD 11) ang tulong sa mga mamamayan ng Sitio Kilabot sa Barangay Ngan, Compostela, at Barangay Prosperidad, Montevista, Davo De Oro.