Umaabot sa 50 mga portable toilets ang ipinamudmud sa ilang mga residente sa Parola compound sa Tondo, Maynila.
Ang naturang hakbang ay kaugnay sa programang “Kubeta Ko” ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila.
Liban dito katuwang din ng Maynila ang kompaniyang Maynilad, DENR, British Embassy sa Pilipinas at ang Bill Gates Foundation.
Paliwanag ni Mayor Isko Moreno, malapit sa kanya ang problema ng kawalan ng kubeta dahil lumaki siya noon sa Maynila na walang palikuran.
Batay sa programa, ang mga mahihirap o informal settlers sa ilang barong barong na nabigyan ng portable toilet ay kokolektahin ang wastes tuwing Lunes at Huwebes.
Sinasabing dalawa hanggang tatlong pamilya ang gagamit sa naturang portable toilets.
Batay naman sa pag-aaral ng United Nations, hindi simpleng problema ang kawalan ng palikuran.
Umaabot daw sa 4.2 billion ang walang maayos na access sa toilet sa buong mundo.
Kaya naman tuwing November 19 ay merong World Toilet Day upang ipaalala ang sanitation crisis.