-- Advertisements --

Hindi na muna makakalaro si Dallas Mavericks big man Kristaps Porzingis sa nalalabing bahagi ng first-round playoff series kontra LA Clippers dahil sa injury sa kanang tuhod.

Sa anunsyo ng koponan, sasailalim sa treatment si Porzingis bunsod ng pagkapunit ng kanyang lateral meniscus, na natamo nito sa Game 1 loss ng Mavs.

Inilista bilang questionable si Porzingis noong Game 2, nang umiskor ito ng 23 points upang tulungang manalo ang Dallas.

Nagpakawala naman ito ng 34-point, 13-rebound performance sa loob ng 38 minutes nang mabigo sila sa Game 3.

Hindi nabanggit ang isyu nito sa tuhod sa injury report noong Game 4, ngunit hindi na ito pinaglaro ilang minuto bago ang tipoff makaraang dumanas ito ng pananakit.

Wala rin si Porzingis noong Game 5, na mula sa questionable ay inilista na itong hindi na makakalaro.

Noong Pebrero 2018 nang mapunit ang ACL sa kanyang kaliwang tuhod, dahilan kaya hindi ito naglaro ng mahigit isang season sa New York Knicks.

Nakuha ng Mavs si Porzingis sa isang trade nang sumunod na taon kung saan ipinares ito kay Luka Doncic.

Pumirmang muli ng $158-milyong kontrata si Porzingis sa Dallas nitong summer.

Nagtala ng average na 20.4 points, 9.5 rebounds at 2.0 blocks ang 7-foot-3 center sa loob ng 57 laro sa kanyang unang season sa Mavericks.