Hindi isinasantabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad na masundan pa ng mas malakas na pagyanig ang 6.6-magnitude na lindol na tumama sa lalawigan ng Masbate kaninang umaga.
Pero ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, posibleng hindi na gaanong kalakasan ang mga susunod na lindol o aftershocks na maitatala.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Ishmael Narag ng Phivolcs-Seismological Observation and Earthquake Prediction Division (SOEPD) sa panayam ng Bombo Radyo, hindi raw nila inaalis ang tsansa na magkaroon ng lindol sa ibang mga segment ng fault.
Una rito, itinaas ng Phivolcs mula magnitude 6.5 patungong 6.6 ang lindol, kung saan naitala ang sentro sa Cataingan, Masbate.
Sa pinakabagong datos, naitala ang pinakamalakas na intensity sa bahagi ng Cataingan na may lakas na Intensity 7, habang Intensity 5 sa kalapit na lugar tulad ng Masbate City, Legazpi City at lalawigan ng Albay.
Sinabi ng ahensya, nangyari ang pagyanig dahil sa pagkilos ng Philippine fault sa Masbate segment.
Ang bayan ng Cataingan na sentro ng lindol ay nasa dulo ng ground rupture o pagbiyak ng lupa noong nangyaring lindol noong 2003.
Patuloy naman daw sa monitoring sa ground at pangangalap ng datos ang Phivolcs.
Pinag-iingat naman ng Phivolcs ang publiko dahil sa nagpapatuloy na mga aftershocks matapos ang malakas na paglindol.