Kasalukuyan na umanong pinag-aaralan ng mga mambabatas at finance managers ang posibilidad na magpasa ng batas na muling magpapasigla sa pagresponde at recovery efforts ng gobyerno.
Ito’y dahil pa rin sa nagpapatuloy na pandemya at pagkalat ng bagong strain ng COVID-19 sa ibang bansa.
Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go, matapos ipasa ang Bayanihan to Heal as One Act at Bayanihan to Recover as One Act ngayong taon ay posible raw na kailanganin ang “Bayanihan 3” upang umagapay sa vulnerable sectors, sa mga nawalan ng trabaho at sa mga locally stranded individuals na nagsibalikan sa kani-kanilang probinsiya.
“Kung may pera po, possible ‘yan (Bayanihan 3). Kakausapin ko si (Finance) Secretary (Carlos) Dominguez… kung talagang hirap tayo ngayong darating na taon, (titingnan) kung mayro’n pong posibilidad… kakausapin ko pa po na sana po’y magkaroon tayo ng Bayanihan 3,” wika ni Go sa isang panayam.
Sinabi ni Go, tatalakayin niya rin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad na pagpapanukala ng Bayanihan 3 measure.
“Kung saka-sakali, kakausapin ko rin po si Pangulo, kung mayro’n naman silang pagkukunan, siguro sa mga susunod na buwan ay maaaring pag-aaralan po na magkaroon tayo ng Bayanihan 3,” ani Go.
“Titingnan (natin) kung saan talaga ang mas nangangailangan pa ng tulong, kung sino pa ‘yung hindi nakakatanggap ng tulong na mga sektor,” dagdag nito.
Kung mayroon naman aniyang pagkukunan ng pondo ay maaari raw pag-aralan na magkaroon ng Bayanihan 3.
Samantala, sinabi ng senador na halos lahat ng locally stranded individuals ay napauwi na sa kani-kanilang mga lalawigan.