Binabantayan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) ang posibilidad ng muling pagputok ng bulkang Kanlaon.
Ito ay kasunod ng pagtaas ng mga aktibidad ng bulkan na namonitor ng ahensiya simula pa noong araw ng Linggo kung saan daan-daang mga volcano-tectonic quakes ang naramdaman.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang mga naturang pagyanig ay sinyales na umaangat ang magma mula sa loob ng bulkan o kung hindi man ay nababasag at tuluyang nalulusaw ang ilang mga bato sa loob nito.
Nananatili ngayon sa Alert level 2 ang naturang bulkan na nangangahulugang patuloy ang pagtaas ng mga aktibidad nito.
Ayon pa kay Bacolcol, kung sakaling itaas man ng Phivolcs ang alert level nito ay lalawakan na rin ang permanent danger zone para mapigilan ang publiko na lumapit o pumasok sa palibot ng naturang bulkan.
Hunyo-3 noong huling pumutok ang naturang bulkan na nagtagal ng anim na minuto at nagbuga ng hanggang sa 5,000 metro ng vocanic materials tulad ng asupre, abo, at iba pa.