Naniniwala ang isang boxing analyst na buhay na buhay pa rin ang posibilidad na muling magtatagpo sa ibabaw ng ring ang dating magkaribal na sina Sen. Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Kasunod ito ng sagutan ng dalawang kampeon sa social media na nagsimula matapos na batikusin ni Mayweather si Pacquiao dahil sa aniya’y paggamit sa kanyang pangalan para gumawa ng gimik at “clickbait” para sa mga internet post.
“My take on all this bullshit is that y’all are just upset that I broke Rocky Marciano’s record and hate the fact that a Black, high school dropout outsmarted you all by beating all odds and retiring undefeated while maintaining all my faculties simply by making smart choices and even smarter investments,” ani Floyd sa kanyang statement.
Mistulang hindi nagustuhan ng Pinoy ring icon ang paggamit din sa pangalan niya ni Mayweather samantalang ito naman ang pumunta sa kanyang laban nitong nakalipas na Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas sa banggaan nila ni Keith Thurman.
Dahil dito ay napikon si Pacquiao at hinamon si Mayweather sa isang rematch upang patunayang “relevant” pa ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng batikang eksperto na si Atty. Ed Tolentino, hindi na raw dapat pang nagpaparamdam si Mayweather kung talagang masaya na ito sa pagiging retirado.
Paniwala ni Tolentino, posibleng natatakot lamang daw si Maywather na harapin ang isang mas malusog na Pacquiao dahil ayaw nitong mabahiran ng pagkatalo ang malinis nitong 50-0 record.
Ito rin naman aniya ang gusto ng mga boxing fans lalo pa’t marami ang nabitin nang huling magtuos ang dalawang itinuturing na maestro apat na taon na ang nakalilipas.
“Isa na namang bluff ‘yan sapagkat kung hindi na talaga interesado si Mayweather, bakit last September sa Japan, siya pa ang nagparinig at lalabanan niyang muli si Pacquiao. At nang kinagat ni Pacquiao, bigla siyang umatras eh. Si para sa akin itong Mayweather [rematch] na ito, ay nananatiling buhay ang laban,” wika ni Tolentino.
“Kaya lang tingin ko dito, natatakot si Mayweather na kung kailan tapos na ang career [niya], saka pa nalapatan ng isang talo.”
Maalalang noong 2015 nang magapi ni Mayweather sa pamamagitan ng unanimous decision ang Pinoy ring icon na dumaranas noon ng injury sa kanyang kanang balikat.