Natagpuan ng mga awtoridad ang pinaniniwalaang bangkay ni Mutya ng Pilipinas Pampanga candidate Geneva Lopez at kaniyang Israeli fiance na si Yitshak Cohen na 2 linggo ng nawawala.
Ito ay matapos na madiskubre ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa kanilang paghuhukay ang naaagnas ng labi ng isang lalaki at babae sa remote quarry site sa Barangay Sta. Lucia sa Capas sa lalawigan ng Tarlac nitong umaga ng Sabado.
Nadiskubre ito matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa isang testigo na mahalaga sa kaso.
Sa ngayon, inaantay ng mga kamag-anak na matukoy ang pagkakakilanlan ng nahukay na mga bangkay
Magsasagawa din ang mga awtoridad ng ibayo pang imbestigasyon kabilang na ang autopsy para matukoy ang dahilan ng pagkasawi ng mga biktima at DNA testing at analysis para maberipika ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Matatandaan, huling nakita ang magkasintahan noong Hunyo 21 sakay ng SUV patungo sa Tarlac para sana makita ang lupa na kanilang nais na bilhin sa naturang probinsiya.
Kalaunan, natagpuan ang kanilang sasakyan na nasunog at inabandona sa Barangay Cristo Rey sa Capas umaga ng Hunyo 22.
Natukoy na rin ng Philippine National Police ang 7 persons of interest sa kaso kabilang ang nagsilbing middleman o ahente para sa bibilhin sanang property ng 2 na nabulgar kalaunan na isang dating pulis.