-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Minomonitor ngayon ng DOH Region 2 ang isang bayan dito sa rehiyon na hinihinalang mayroon ng community transmission ng COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng DOH Region 2, sinabi niya na batay sa kanilang imbestigasyon ay nagkakaroon na ng community transmission sa ilang lugar sa rehiyon.

Inihalimbawa niya ang Solano, Nueva Vizcaya pangunahin na sa isang pribadong establisyemento at sa kanilang slaughter house.

Gayunman ay pag-aaralan pa nila ito bago ideklarang may community transmission sa isang lugar.

Sinabi ni Dr. Magpantay na ang local transmission ay matutukoy kung paano nahawa ang isang nagpositibo sa COVID-19 habang ang community transmission ay hindi malalaman kung saan o kanino sila nahawa.

Dahil dito, mahalaga aniyang makinig ang mga tao sa sinasabi ng pamahalaan at kung nakakaramdam na ng sintomas ng naturang virus ay magtundo sa mga ospital agad para mabigyan ng atensyon.

Sa kabila nito ay manageable pa rin aniya ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon subalit dapat pa ring paigtingin ng mga LGUs ang pagpapatupad ng mga health protocol.