Pinaiimbestigahan ni Albay Rep. Joey Salceda sa Kamara ang mga posibleng epekto sa plano ng gobyerno na i-phaseout na ang mga lumang jeepney.
Sa inihaing House Resolution No. 801 ng mambabatas, inatasan nito ang House Committee on Transportation na magdaos ng imbestigasyon “in aid of legislation” upang matalakay kung ano ang magiging impacts sa pag-phaseout sa tradisyunal na jeepney.
Paliwanag ni Salceda, na siyang chairman ng House Committee on Ways and Means, ang naturang phaseout ay mistulang pagbalewala sa reyalidad na sa Pilipinas lalo na sa mga probinsya na ang public utility jeepneys o PUJs ay nanatiling “primary mode” ng pampublikong transportasyon.
Ayon sa economist solon noong kasagsagan naman ng COVID-19 pandemic, aabot sa P102 billion ang nawalang “PUJ revenues” dahil sa mga lockdown.
Sinabi ni Salceda, batay sa datos nasa 11.5 million pasahero ng PUJ kada araw ang maaaring maaapektuhan kapag natuloy ang phase out.
Babala ng mambabatas, kung matutuloy ang PUJ phaseout , magreresulta ito ng mas malalang “road congestion” o pagsisikip sa mga lansangan at polusyon.
Nauna nang sinabi ni Salceda na “malupit at hindi makatao” ang jeepney phaseout nang walang sapat na tulong o subsidiya mula sa gobyerno.