-- Advertisements --

Posible umanong mapalawig pa ang deadline sa pamamahagi ng unang tranche ng cash assistance sa ilalim ng social amelioration program ng pamahalaan.

Bukas na kasi, Mayo 7 nakatakdang mapaso ang 7-day extension na ibinigay na palugit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa mga local government units para matapos ang distribusyon ng tulong pinansyal sa mga pamilyang apektado ng coronavirus pandemic.

Sa isang briefing kaninang umaga sa Taguig City, sinabi ni Año na bukas ng umaga ay magsasagawa sila ng assessment kung ilang mga LGUs na ang nakakumpleto ng pamimigay ng nasabing benepisyo.

Ayon pa sa kalihim, titingnan daw ng kagawaran ang dahilan kung bakit hindi pa nakatapos ang ibang mga lokal na pamahalaan.

Aminado naman si Año na ang National Capital Region ang nakapagtala ng pinakamaraming problema sa distribusyon ng SAP lalo pa’t malaki rin ang bilang ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa Kalakhang Maynila.

“Among other LGUs, NCR lang talaga ‘yung malaking problema kasi kanila ‘yung pinakamaraming families, beneficiaries. In other LGUs, okay naman,” wika ni Año.

“Sa Metro Manila, we still have a lot of areas here na mahirap ibigay without actually sacrificing the physical distancing,” dagdag nito.

Sa pinakahuling datos mula sa DILG, nasa kabuuang 828 LGUs na sa buong bansa ang nakatapos sa kanilang SAP distribution.

Sa naturang bilang, 56 sa Cordillera Administrative Region; 38 sa Ilocos Region; 31 sa Cagayan Valley, 36 sa Central Luzon, 63 sa CALABARZON, 62 sa MIMAROPA, 70 sa Bicol region; 114 sa Western Visayas; 52 sa Central Visayas; 95 sa Eastern Visayas; 71 sa Zamboanga Peninsula; 17 sa Northern Mindanao; 26 sa Davao region; 32 sa SOCCSKSARGEN; at 65 sa CARAGA.

Una nang binigyan ang mga local government officials ng hanggang Abril 30 para ipamahagi ang cash aid, ngunit nabigo ang ilang mga lokalidad na makasunod sa deadline kaya napilitan ang DILG na palawigin ito ng pitong araw.

Sinabi rin noon ni Año na hindi na raw nito ie-extend ang SAP distribution pagkatapos ng Mayo 7 dahil kumpiyansa raw ito na matatapos ito sa Huwebes.

Samantala, sa panig naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kumpiyansa silang matatapos ng mga LGUs bukas ang pamamahagi ng emergency cash aid.

Inihayag ni DSWD spokesperson Irene Dumlao, ang mga LGUs na nakatapos na sa pamimigay ng first tranche ay maaari nang simulan ang paglalabas ng ikalawang tranche ng ayuda.