-- Advertisements --

Welcome umano sa Supreme Court (SC) ang sino mang maghahain ng petisyon sa kataas-taasang hukuman kaugnay ng kontrobersiyal na pagpapatupad ng good conduct time allowance (GCTA) law sa Bureau of Corrections (BuCor).

Sa pagharap sa media ni SC Chief Justice Lucas Bersamin, sinabi nitong sakaling makitaan ng kumpletong technical at procedural requirement ang isang petisyon patungkol sa implementasyon ng GCTA law ay nakahanda na ang Korte Suprema na iproseso ito at talakayin.

Pero ayon kay Bersamin, magiging depende pa rin ang pagtalakay ng Korte Suprema sa magiging laman ng isang petisyon patungkol sa GCTA.

Nakadepende aniya ang susunod na petisyon na maaring umabot sa Korte Suprema sa kung papaanong babalangkasin ng mga petitioner ang kanilang petisyon.

Tiniyak ng punong mahistrado na kung mayroong tinatawag na justiciable controversy ang isang petisyon kaugnay ng GCTA ay handa silang talakayin ito para mabigyang linaw ang isyung ligal bilang siyang final arbiter ng bansa.

Samantala, nilinaw ng punong mahistrado na ang tinalakay lamang nila noon sa naunang petisyon sa usapin ng RA 10592 na isinampa ng ilang mga inmates ng Bilibid at ang guidelines ng naturang batas kung maari bang ipatupad ng retroactive.

Maalalang umani na ng samu’t saring reaksiyon ang naturang batas dahil halos nasa 2,000 high profile inmates na ang nakalaya matapos makapgkalooban ng GCTA.

Pinakahuli rito ang napabalitang pagpapalaya sana kay Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na gumahasa sa University of the Philippines (UP) Los Baños student na si Eileen Sarmenta noong 1993.