Iniimbestigahan na ng Bureau of Immigration (BI) ang posibilidad ng inside job sa mga nangyayaring human trafficking incident sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagbubunyag ng mga biktima ng human trafficking na mayroon umanong mga ‘dedicated airport immigration counter’ na pangunahing nagpa-facilitate sa departure o pag-alis ng mga iligal na nare-recruit na Pinoy workers papunta sa ibang bansa.
Ang mga nagbunyag nito ay pawang mga biktima na na-repatriate mula sa Myanmar na pinilit na magtrabaho roon bilang mga internet scammer.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, bagaman iilan lamang ang mga repatriate na nagbunyag nito, isa itong malaking isyu na kailangang tutukan ng naturang ahensiya.
Batay sa kwento ng mga biktima, nagawa umano ng mga immigration insider na iwasan ang ilang nakalatag na immigration system sa pamamagitan ng pag-giya sa mga biktima patungo sa isang counter na minamando ng isang immigration officer na kasabawat din ng mga ito.
Isa sa mga unang hakbang na ginawa ng BI ay ang pag-aralan ang CCTV (close circuit television) sa bawat counter na tinukoy ng mga repatriate upang matukoy kung sino ang mga ito at malaman kung paano ang pagtrato nila sa mga biktima.
Lahat aniya ng mga immigration personnel na naka-duty sa naturang oras ay bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.
Giit ni Sandoval, kailangang matukoy kung may katotohanan na ilang mga immigration personnel ang nakikipag-sabwatan sa mga human trafficking syndicate sa bansa kaya’t nakakalabas ang mga biktima sa kabila ng mahigpit na immigration policy ng bansa.