Ipinahiwatig ng Department of Agriculture (DA) na maaaring magkaroon ng kakulangan ng mga itlog sa buwan ng Abril.
Paliwanag ni DA Sec. Francisco Laurel Jr. nagkaroon ng sobrang suplay ng mga itlog noong nakalipas na taon na nagresulta sa pagbagsak ng farm-gate price sa P4 kada piraso ng itlog.
Aniya, maraming local producers ang nalugi kung saan kinailangan ng mga ito na katayin na lamang ang kanilang mga inahing manok para kumita kahit papano ng pera.
Ayon pa sa kalihim, napababa nito ng malaki ang populasyon ng mga nangingitlog na inahing manok na posibleng makaapekto sa suplay ng itlog sa hinaharap.
Saad pa ng DA chief na kailangan ng local poultry raisers ng hatching eggs kasabay ng pagsisimulang pagtaas ng demand para sa naturang commodity.
Umaasa naman ang kalihim na matutugunan pa ang nakaambang kakulangan ng suplay ng itlog.
Hinimok din niya ang financial institutions na magbigay ng pondo para suportahan ang repopulation efforts ng industriya.
Maaari aniyang makatulong ang naturang hakbang para mapigilang mangyari ang krisis kapareho ng sitwasyon na nakaapekto sa Amerika kung saan nagresulta ang avian influenza outbreak sa culling ng milyun-milyong inahing manok.