Tinitignan ng mga awtoridad ang anggulo na posibleng nagkaroon ng kapabayaan sa nasunog na dormitoryo sa Al-Mangaf, Kuwait.
Ito ang inihayag ni DMW spokesperson Toby Nebrida sa isang ambush interview sa Cargo center sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex kung saan inilabas ang mga casket o kabaong ng mga labi ng 3 nasawing OFWs na naiuwi na kahapon sa bansa.
Batay aniya ito sa kanilang pakikipag-ugnayan at initial investigation ng mga opisyal ng Kuwaiti government.
Samantala, labis naman ang paghihinagpis ng mga pamilya ng 3 nasawing ofws nang makita at tanggapin nila ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay.
Pinangunahan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang grupo ng senior government officials sa pagsalubong sa mga labi ng 3 overseas Filipino workers.
Sinabi naman ni Nebrida na mayroon ng mga legal officer ang Pilipinas na humahawak at nag-aasikaso ng mga legal concern ng OFWs doon sa Kuwait.
Kung matatandaan, noong Hunyo 12, 2024, sumiklab ang sunog sa naturang residential building sa Mangaf sa Ahmadi Governorate ng Kuwait, na kumitil sa 50 dayuhang manggagawa. Karamihan sa mga biktima ay namatay dahil sa pagkalanghap ng usok, habang ang iba ay nasugatan sa pagkahulog. Inaresto naman ang may-ari ng gusali matapos ang sunog.
Ito na ang itinuturing na ikalawang deadliest fire sa Kuwait mula nang mangyari ang arson attack noong 2009 na ikinamatay ng 57 katao.