-- Advertisements --

Lumilinaw umano ang posibleng kaugnayan ni Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay sa naging pagtakas ni Alice Guo mula sa Pilipinas.

Ayon kay Senate subcommittee on Justice Chair Risa Hontoveros, may mga lumutang na impormasyon ukol sa posibleng kaugnayan ng alkalde ng Sual sa pagtakas ng grupo, batay sa napag-usapan sa isang executive session sa pinakahuling pagdinig ng subcommittee.

Maaalalang nitong Huwebes, Sept. 5 ay nag-convene ang subpanel ng isang executive session upang pakinggan ang ilang mga sensitibong testimonya at mga impormasyon.

Bagamat limitado lamang ang binanggit ni Hontiveros, pinangalanan niya ang alkalde ng Sual na posibleng may alam sa kontrobersyal na pagtakas.

Ayon sa senador, umaasa siyang maging ‘available’ ang alkalde kapag pinatawag siya. Umapela pa ang Senador sa alkalde na huwag sana itong biglaang umalis sa bansa.

Una nang tinanong ni Hontiveros si Shiela Guo kung alam niyang may relasyon sina Mayor Alice at Mayor Calugay, sinagot ito ni Shiela na sa pagkaka-alam niya ay magkaibigan ang dalawa.