Pinaghahandaan na ng Philippine Embassy sa Beirut ang posibleng mass repatriation ng mga Pilipino sa Lebanon sa gitna ng conflict sa pagitan ng Israel at militanteng Hezbollah.
Ayon kay Department of Foreign Affairs ASec. Robert Ferrer, nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng PH sa Lebanon sa mga Filipino community para sa kaukulang mga hakbang para sa pagsasagawa ng mass repatriation sakaling tumindi pa ang sitwasyon doon at magsimulang maapektuhan ang karatig na lugar kung nasaan ang mga kababayan nating Pilipino.
Subalit sa ngayon ayon sa DFA official hindi pa nila nais na magpatupad ng mandatory repatriation sa Lebanon dahil maraming Pilipino ang ayaw pang lumikas doon.
Maaari kasing itaas sa Alert Level 4 ang isang lugar para sa mandatory evacuation sa oras na magkaroon ng large-scale internal conflict o full blown external attack.
Sa kasalukuyan, mayroong 11,000 Pilipino ang nasa Lebanon, kung saan mahigit 500 na nakabalik sa PH habang 1,205 naman ang nagpahiwatig na nais na nilang ma-repatriate nitong nakalipas na 48 oras.