BAGUIO CITY – Naghahanda na ang mga stakeholders sa industriya ng turismo sa lunsod ng Baguio sa posibleng mas malalang epekto ng coronavirus disease (COVID 19) sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Andrew Pinero, public information officer ng Hotel and Restaurant Association of Baguio, sinabi niyang kailangang maging agresibo sila sa sales at marketing.
Aniya, kailangang mag-alok ang mga hotels and restaurants ng promotions para makahikayat sila ng maraming kustomer.
Inihayag pa ni Pinero na plano nilang makipagpulong sa Department of Tourism para pag-usapan ang recovery plan para sa industriya ng turismo.
Idinagdag niyang mula pa sa unang linggo ng Pebrero ay nagsagawa na ang mga hotels and restaurants sa lunsod ng mga kinauukulang hakbang tulad ng pamamahagi ng hand sanitizers, paggamit ng disinfectants, face masks at iba pa.