-- Advertisements --

Hindi na umano magagawa pa ni undefeated American boxer Keith Thurman na bulagain pa si Pinoy icon Sen. Manny Pacquiao sa kanilang salpukan sa Hulyo 21.

Sinabi ng batikang boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo, sa dalawang dekada ni Pacquiao sa larangan ng boxing ay hinarap na nito ang sari-saring mga istilo ng dekalibreng mga boksingero.

“We’re talking here about a guy who has fought in eight weight classes. Lahat na ng istilo: [Floyd] Mayweather, [Miguel] Cotto; [Juan Manuel] Marquez; [Erik] Morales, lahat na ng istilo ay na-expose siya,” wika ni Tolentino.

“So anuman ang ipapakita ni Thurman, sabi nga natin, ay hindi na mabibigla si Pacquiao.”

Samantalang si Thurman aniya na kahit malinis ang boxing record ay salat pa rin sa karanasan.

Ang agam-agam lamang din dito ayon kay Tolentino, hindi umano dapat isantabi ang katotohanan na matanda na ang 40-year-old Fighting Senator para lumaban pa sa ibabaw ng boxing ring.

“Sabi ko nga kung 30 years old lang si Pacquiao, palagay ko kidlat lang ni Pacquiao luluhod na si Thurman sa takot. Pero doon tayo nagkakaroon ng konting consciousness because remember, this is a 40-year-old Pacquiao going up against a fighter who is 10 years younger,” ani Tolentino.

Samantala, inihayag ni Tolentino na maliban sa ikalawang boksingero pa lamang si Thurman na makakatunggali ang 40-anyos na si Pacquiao, wala na raw itong nakikita na espesyal sa WBA “super” welterweight titleholder.

Anang boxing analyst, baka si Thurman pa raw ang mabigla sa angking bilis at timing ng mas matandang si Pacquiao.