Binabantayan ngayon ng mga awtoridad ang posibleng pagtagas ng langis mula sa 2 barko mula sa China na sumadsad sa Currimao shoreline nitong umaga ng Biyernes bunsod ng malalakas na alon at hangin dulot ng bagyong Marce.
Ito ay ang MV Aries 1 at LCT PanPhil 8 na kapwa mula sa bansang China subalit mga Pilipino lahat ang tripulante ng 2 vessel.
Ang MV Aries 1 ay may 5 tripulante na 5 buwan ng nakadaong sa Currimao port habang ang LCT PanPhil 8 naman ay may 15 crew na dumating lamang sa naturang daungan noong nakalipas na linggo.
Ayon kay PCG-Ilocos Norte station commander Lt. Joseph Christian Sagun, nakaangkla ang 2 barko sa naturang pwerto nang maanod ng malalakas na alon saka sumadsad sa mababaw na parte ng karagatan.
Paliwanag ng opisyal na nakadaong ang naturang mga Chinese vessel sa Currimao port habang inaantay na maproseso ang kanilang certificates of conversion bilang domestic trader mula sa Maritime Industry Authority (Marina).
Sinuri naman na ng Currimao local government ang kalagayan ng mga Pilipinong crew mula sa mga sumadsad na barko at hinatiran na rin ng PCG ng maiinom na tubig ang mga ito.