Hindi umano madaling maibebenta sakaling mangyari ang boxing match sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at IBF welterweight champion Errol Spence Jr.
Una rito, sinabi ng ilang mga analysts sa Estados Unidos na maganda raw sa business standpoint ang nasabing ideya, pero hindi raw sa punto de vista ng boxing.
Sinabi ng boxing expert na si Atty. Ed Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo, papatok daw sana ito kung impresibo ang ipinakita ni Spence sa huli nitong laban.
Matatandaang dalawang linggo na ang nakalipas nang madepensahan ni Spence ang kanyang IBF title kontra kay Mikey Garcia sa pamamagitan ng unanimous decision.
Mungkahi naman ng eksperto, imbes na hamunin si Pacquiao, dapat umanong ipursige ni Spence ang isang unification bout kontra kay WBO welterweight champion Terrence Crawford.
Sa ganitong paraan aniya malalaman kung sino ang dapat na maghamon sa Pinoy eight-division world champion.
“Mas gusto ni Spence si Pacquiao kasi, in a way nakatatanggap din siya ng batikos kasi isang overweight na Mikey Garcia, hindi niya napatumba. Siya ang mas may kailangan kay Pacquiao. Si Pacquiao hindi siya kailangan,” wika ni Tolentino.
“It would have been marketable kung naging impressive siya kay Mikey Garcia, eh hindi. So tingin ko mahirap ibenta ‘yan.”