-- Advertisements --

Welcome para sa International Criminal Court(ICC) kung sakali mang magdesisyong muli ang Pilipinas na magbalik sa international tribunal.

Binigyang-diin ni ICC spokesperson Dr. Fadi El Abdallah na lahat ng mga bansang nagnanais maging bahagi ng ICC ay malugod na tatanggapin ng korte dahil mangangahulugan itong mas maraming mga bansa ang magnanais na magpapasailalim sa kapangyarihan at tungkulin ng naturang korte.

Inihalimbawa ng ICC official ang usapin ng impunity o hindi pagbibigay-parusa sa mga malalaking personalidad na nakagawa ng mga kasuklam-suklam na krimen sa buong mundo.

Aniya, isang global challenge ang impunity at marami ang nagsisilbing balakid upang malabanan ito.

Ang tanging paraan aniya para malabanan ito ay ang pakikipagtulungan ng lahat ng mga bansa sa buong mundo, tulad ng Pilipinas.

Natanong din ang ICC official kung may natanggap na ba ang naturang korte na impormasyon o anumang pahiwatig mula sa pamahalaan ng Pilipinas. Sagot ni Dr. Abdullah, wala siyang access sa mga ‘behind-the-scene discussions’ kaya’t hindi pa niya ito makumpirma.

Nitong Nobiyembre ng nakalipas na taon ay una nang sinabi ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan muli ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik sa ICC.

Una na ring naghain ang Kamara de Representantes ng resolusyon na humihikayat kay Pang. Marcos na makipagtulungan sa ICC, sa kabila ng nauna nang pagkalas ng Pilipinas noong kalagitnaan ng termino ni dating Pang. Duterte.