Maagang nag-abiso ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa posibleng pagbigat ng daloy ng trapiko sa kanilang Bulacan area bukas.
Nabatid na magkakaroon ng “One New Era” event ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Philippine Arena na matatagpuan sa Ciudad De Victoria, Bocaue, Bulacan.
Tatagal ang aktibidad mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ayon sa pamunuan ng NLEX, maaaring gamitin ng mga dadalo ang Ciudad de Victoria exit habang ang ibang motorista naman ay inaabisuhan na dumaan sa alternate routes para sa mas magaan na pagbiyahe.
Payo naman ng mga otoridad, maagang planuhin ang mga paglalakbay lalo na ang mula sa Metro Manila na patungong Northern Luzon at mula sa Regions 1, 2, 3 at CAR na papasok naman ng National Capital Region.