Tinatrabaho na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang apela para posibleng paggawad ng clemency sa 2 overseas Filipino workers na nasa death row sa Brunei.
Ayon sa DMW, isa sa mga ito ay si Edgar Puzon na na-convict sa kasong murder o pagpatay sa kapwa OFW nito abroad noong 2005 subalit nahatulan ng habambuhay na pagkakakuong. Umaasa naman ito na mapapalaya ito ng mas maaga bago ito mag-70 anyos sa Enero sa susunod na taon.
Ang isa namang OFW na nasa death row ay si Cyrile Tagapan na isinisilbi ang kaniyang sentensiya mula pa noong 2016 para sa kasong pagpatay sa isang Bruneian national at para arson at pagnanakaw.
Samantala, kasabay naman ng pagbisita ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na kasama sa delegasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kaniyang 2-day state visit sa Brunei Darussalam mula Mayo 28 hanggang 29, binisita ng kalihim ang 2 OFWs sa kanilang prison facility.
Ipinaabot ng kalihim ang mensahe ng Pangulo na suporta at patuloy na dasal para sa mga ito.
Kapwa naman nagpaabot aniya ng pasasalamat ang 2 OFWs sa Pangulo.
Una rito, nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa isang local law firm doon sa Brunei na naghain na ng mga apela para sa clemency sa 2 OFws.
Inaasikaso na rin ng DMW ang karagdagang compassionate visits ng pamilya at kamag-anak ng 2 manggagawang Pilipino na sasagutin naman ng ahensiya at attached agency nito na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).