Pinangangambahan ngayon ang posibleng pagkasira ng pangisdaan sa Pilipinas kapag patuloy na hindi nabusisi ang pagsira ng China sa coral reefs o mga bahura sa West PH Sea.
Paliwanag ng international maritime expert na si Jay Batongbacal na isang malalang implikasyon sa food security ng bansa ang iniulat ng militar na laganap na coral harvesting sa Rozul reef sa West PH Sea.
Sa ngayon aniya, mapapansing karamihan sa makukuhang isda sa lugar ay maliliit na at maraming isda na hindi na nakikita o mahal na dahil mangilan-ngilan na lamang. Ito aniya ang mga sinyales na maaaring mag-collapse ang fishery ng bansa.
Para pa kay Batongbacal, wala itong kaduda-duda na ang China ang nasa likod ng pagsira sa mga bahura ng bansa.
Sinabi pa ng maritime expert na madalas na sirain ng mga barko ng China ang coral reefs para mag-extract o kumuha ng giant clams sa ilalim ng mga bahura na ginagamit nila bilang alternatibo sa ivory.