Tinitignan ngayon ang posibilidad ng paghahain ng kasong paglabag sa International Humanitarian Law laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakipagkita siya nitong Lunes sa head ng Department of Justice task force na inatasan para imbestigahan ang war on drugs ng nakalipas na Duterte administration at ito umano ang pinag-aaralan ng task force.
Kinumpirma din ng kalihim na partikular na iniimbestigahan ng task force ang dating Pangulo.
Binuo nga ang naturang task force para usigin ang mga perpetrator ng extra judicial killings (EJK) sa kasagsagan ng madugong war on drugs.
Ayon pa kay Sec. Remulla, ang batas ng International Criminal Court ang kanilang ginagamit sa ngayon subalit nilinaw ng kalihim na hiwalay ang mga posibleng kaso na isasampa kung sakali sa korte sa Pilipinas kaugnay sa war on drugs at hindi mago-overlap sa ICC.
Aniya, kahit hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas maaari pa ring mai-apply ang “spirit of complementarity”, isang principle kung saan ang isang kaso ay hindi tinatanggap sa ICC kung ito ay iniimbestigahan na ng isang estado na may hurisdiksyon dito.
Matatandaan na nauna ng sinabi ni dating Pangulong Duterte sa pagdinig ng House Quad Committee noong November 13 na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC at hiniling na paspasan at umpisan na ang kanilang imbestigasyon at kung mapatunayang guilty umano siya handa siyang makulong at mabulok doon habambuhay.