Nakadepende sa pagpapasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibleng pagpapadala ng barkong pandigma sa West Philippine Sea.
Ito ang naging tugon ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa isang panayam kasunod ng pinakabagong insidente sa WPS ngayong linggo kung saan naka-engkwentro ang barko ng PCG na BRP Teresa Magbanua ng mapanganib na maniobra, pagharang at pagbuntot ng barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy malapit sa Bajo de Masinloc noong Disyembre 4.
Ayon kay Comm. Tarriela, ito ang unang pagkakataon na nakialam at nakibahagi ang warship ng PLA Navy sa panghaharass sa barko ng PCG.
Ipinaliwanag naman ng PCG official na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang may awtoridad na gumawa ng policy recommendation sa Pangulo bilang commander-in-chief ukol sa naturang usapin.
Kinumpirma naman ni Comm. Tarriela na nagpapatroliya ang warship ng Pilipinas sa WPS. Patuloy ding nakabantay ang Philippine Navy ng AFP sa sitwasyon sa WPS subalit hindi sila nakikialam sa harassments ng mga barko ng higanteng bansa.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi kailanman mapapalitan ng PCG ang Philippine Navy pagdating sa pagdepensa ng ating mga teritoryo dahil ang Coast Guard ay tumutulong lamang sa mga isinasagawang misyon.
Samantala, suportado naman aniya ng PCG ang anumang magiging desisyon ng Pangulo at Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.