-- Advertisements --

ILOILO CITY – Naghahanda na ang ilang local government unit (LGU) para sa inaasahang pagtama ng Bagyong Mawar ngayong Byernes o Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Jerry Bionat, pinuno ng Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sinabi nito na magpapatawag sila nga pagpupulong kasama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para mapaghandaan ang bagyo.

Ayon kay Bionat, kung kakailanganin, isasagawa ang paglikas sa mga residente sa lalawigan lalo na ang mga nakatira sa tabingdagat at mga landslide-prone area.

Maliban dito, nakahanda rin ang mga water rescue asset ng search and rescue team ng Iloilo.

Inabisuhan na rin ang mga nakatira sa mga mababang lugar na maghanda sa posibleng pagtaas ng tubig.

Mag-iikot rin anya ang mga tauhan ng disaster office sa mga barangay para abisuhan ang mga residente na maging alerto sa paparating na bagyo.

Pinayuhan din ng lokal na pamahalaan ang mga mangingisda na huwag na munang pumalaot.