Nakabantay ng husto ang PDP-Laban Cusi faction sa developments sa desisyon ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na bawiin ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa reelection bid nito sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay PDP-Laban president at Energy Secretary Alfonso Cusi, nakabantay sila sa anumang posibleng mangyari lalo pa at marami rin ang sumusuporta sa presidential daughter.
Sakali mang mauwi ito sa pagtakbo sa anumang national position, aminado si Cusi na makakaapekto ito sa political landscape sa 2022 elections.
“PDP Laban watches with keen interest the developments on Sara Duterte’s decision to withdraw her certificate of candidacy for Davao City Mayor, especially considering the public support she enjoys,” ani Cusi sa statement. “In any event, her actions, including any decision to run for a national elective office, will most certainly affect the political landscape.”
Kahapon, personal na nagtungo ang alkalde ng Davao sa tanggapan ng Commission on Elections ng lungsod para bawiin ang kanyang COC.
Una rito, binawi rin ng kanyang kapatid na si Vice Mayor Sebastian Duterte ang kanyang COC sa reelection bid nito para palitan ang kanyang ate.