Pinagaaralan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng pagtatalaga ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga bawang kapag patuloy na tumaas pa rin ang presyo nito sa mga sususnod na linggo.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., kung ang bentahan ngayon ng bawang sa merkado ay nasa P140-P150 kada kilo, ang mga retailers ay magkakaroon ng kita na P30-P40 pesos kung ang bili ng mga ito sa framgate ay naglalaro sa P110/kilo.
Mula dito ay aalamin umano ng departamento kung ang kitang ito ng mga tindera ay masyado bang mataas.
Aniya, kung ang mismong garlic importer ang nagtataas ng presyo na dapat ay nasa P80/kilo lamang, iimbestigahan ng ahensya kung ang mga garlic importers ba ay nagdedeklara ng tamang presyo dahil maaari pang magkaroon ng undervalue ang mga naturang produkto.
Dahil dito maari aniyang ang margin ng mga importers ay nasa P40-P50/kilo na ani naman ng kalihim ay masyadong mataas kumpara sa tamang presyo nito.
Samantala, hinihintay naman ngayon ng tanggapan ng kalihim ang mga pinal na datos bago magsagawa ng pagpupulong kasama ang mga importers para kausapin ang mga ito.
Sa ngayon, nakikita na rin ng ahensya ang posibleng pagtatalaga ng MSRP sa naturang produkto lalo na kapag patuloy na hindi sumusunod at hindi rin makikinig ang mga importers sa tamang presyo nito.
Hinihiling na rin ng kalihim na ngayon pa lamang sana ay makinig na ang mismong industriya nang hindi na umabot pa sa punto na maglalagay na naman muli ng MSRP sa iba pang mga produkto.