Binigyang linaw ni Department of Justice Assistant Secretary Atty. Mico Clavano na hanggang sa ngayon ay hindi pa napapag-usapan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr at DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla ang posibleng pakikipagtulungan ng Pilipinas sa isinasagawang imbestigasyong ng ICC sa umano madugong war on drugs ng dating administrasyong Duterte.
Ginawa ni Asec. Clavano ang pahayag sa naging pagharap nito sa mga kawani ng media sa Malacanang. Ayon kay Clavano, sa ngayon ay hindi pa nagkakaharap ang dalawang opisyal upang pag-usapan ang naturang isyu.
Una rito ay naging maiinit nga ang usapin sa posibleng pagpayag ng Pilipinas na pumasok sa bansa ang ICC upang makapagsagawa ng imbestigasyon matapos ang inihaing resolusyon ng House Committees on Justice and on Human Rights.
Hiling ng naturang komite na makipag tulungan ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs na kumitil umano sa libo-libong indibidwal na walang ginawang paglilitis.
Kung maaalala, sinabi ng punong ehekutibo na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil hindi na ito bahagi ng Rome Statute.
Kumalas ang Pilipinas sa naturang international court noong taong 2019 sa ilalim ng dating administrasyong Duterte.
Sa kabila nito ay tiniyak naman ni Marcos Jr. na kanila paring pinag-aaralan ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas bilang miyembro ng ICC.