Nakipagpulong si Senador Alan Peter Cayetano sa mga pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na pinangunguhan ng presidente nitong si Joshua M. Bingcang upang pag-usapan ang mga posibleng reporma sa charter ng ahensya.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang pagdagdag ng 50 taon pa sa corporate term ng BCDA; pagpapataas ng authorized capital stock nito mula P100 billion patungong P200 billion; pagdedeklara sa 10% ng land area ng bawat BCDA Economic Zone bilang “alienable and disposable” at pagpapahintulot sa pagbebenta nito para sa residential use; at ang pagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa BCDA gaya ng pagbabalangkas ng mga alituntunin at estratehiya sa pagbawi ng properties nito mula sa claimants.
Layunin ng mga panukalang amiyenda na maipagpatuloy ng BCDA ang papel nito sa paggawa ng mga oportunidad pang-ekonomiya at makapag-ambag sa AFP at sa pambansang pamahalaan.
Gayunpaman, napag-usapan din ang ilang mga posibleng epekto ng mga ito tulad ng pagtaas ng presyo ng lupa sa BCDA Economic Zones at pagpapaalis sa mga naninirahan sa ilang lupa ng ahensya.