-- Advertisements --
image 591

Iniimbestigahan na ang Office for Transportation Security (OTS) ang posibleng sindikato sa likod ng mga insidente ng pagnanakaw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay OTS administrator Ma. Aplasca, may mga nakabinbin pang mga kaso na kanilang kasalukuyang iniimbestigahan.

Umaasa ang opisyal na sa mga susunod na linggo ay matapos na ang imbestigasyon at makasuhan ang lahat ng mga responsable.

Ipinaliwanag pa ni Aplasca na natukoy na ng OTS ang ilang mga umano’y masterminds ng sindikato subalit sinabi ng mga awtoridad na kumakalap pa sila ng mga ebidensiya para pormal na makasuhan ang nasabing mga indibidwal.

Tumanggi naman ang OTS official na ibulgar ang posisyon ng mga personalidad na sangkot dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Ayon pa kay Aplasca mula noong 2022, 70 personnel na ang nasangkot sa insidente ng pagnanakaw.

Kamakailan lamang 3 OTS personnel ang inimbestigahan matapos na mawala ang pera ng isang banyaga sa NAIA.

Nang suriin ang CCTV footage, doon nabulgar ang isang 28 anyos na contractual employee na nilulunok ang isang bagay. Kasalukuyang iniimbestigahan naman ng mga opisyal kung ang nasabing bagay ay ang nawawalang $300 na pera ng banyaga.

Pinabulaanan naman ng empleyado ang paratang at sinabing ang kaniyang linunok ay chocolates at hindi ang nawawalang $300.