Nanindigan ang Pilipino Tayo Movement na kailangang mapakinggan ng publiko ang magiging posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa usapin ng Pederalismo, Charter Change, at Constitutional Convention sa gaganaping ikatlong State of the Nation Address ng pangulo sa Hulyo 22, 2024.
Ayon sa grupo, ang Pangulong Marcos Jr. man din ay pinuno ng kanyang political party na Partido Federal ng Pilipinas na itinatag sa mismong ideya ng federalismo, Charter Change, at Constitutional Convention.
Giit pa nito, hindi pa nababanggit ng pangulo kung itutulak niya o hindi ang mga adbokasiya sa pagtatag ng kanyang partido.
Importante rin na malaman ang posisyon ng pangulo dahil ang kanyang partido ay nakipag-alyansa sa iba’t ibang partido.
Kung maaalala, sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Pangulong Marcos na ang kanilang adbokasiya ay unity o pagkakaisa.
Punto ng Pilipino Tayo Movement, ang pambansang pagkakaisa ay pinakamabuting maipapahayag sa pamamagitan ng federalismo.
Naniniwala rin ito na marami sa mga problema ng bansa ay kinabibilangan ng katiwalian, kahirapan, mahinang seguridad at depensa, at kawalan ng trabaho, at iba pa.
Bilang panghuli, sinabi ng grupo na ang posisyon ng Pangulo sa pederalismo, Charter Change, at Constitutional Convention ay mahalaga para sa pagtatakda ng direksyon sa Kongreso at Senado.
Dahil dito, nananawagan ang Pilipino Tayo movement sa gobyerno na itulak ang isang Constitutional Convention at aktibong nakikipagpulong sa ilan sa mga iginagalang na pinuno, kinikilalang mga eksperto at intelektwal mula sa iba’t ibang industriya, at mga opisyal ng LGU upang talakayin ang inisyatiba.
Plano rin ng grupo na magsagawa ng Constitutional Convention na lalahukan ng mga kinatawan ng bawat sektor at lalawigan sa bansa para makabalangkas sila ng panukalang Konstitusyon na mas makakatugon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa.
Ang Pilipino Tayo ay isang grupo na pinatawag ni dating PACC Chairman Greco Belgica, MNSA, Gen. Carlos Quita (Ret.), Atty. Eduardo Bringas, dating Senador Gringo Honasan, Gen. Atty. Fortunato Guerero (Ret.), Bishop Butch Belgica, Bishop Reuben Abante, Dr. Dennis Reyes, Prof. Froilan Calilung, at dating Congressman at Kalihim Mike Defensor.