KORONADAL CITY – Hinihintay na ng Isulan PNP ang resulta ng post-blast investigation kaugnay ng bombing incident sa naturang bayan nitong Sabado.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Isulan PNP chief of police, Lt. Col. Joven Bagaygay na nasa hanay pa ng Explosive Ordinance Disposal (EOD) ang improvised na pampasabog na ginamit.
Inaabangan na rin daw nila ang ulat ng binuong Special Investigation Task Group.
Sa ngayon tikom muna ang pulisya hinggil sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines – Western Mindanao Command (AFP-Wesmincom).
Ito’y matapos sabihin ng militar na posibleng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasa likod ng pambobomba.
Sa kabila ng takot ng mga residente, balik normal naman na raw ang sitwasyon sa Isulan.
Naka-kordon naman ang blast site sa public market.
Tiniyak naman ni Bagaygay ang counter-measures ng pulisya laban sa posibilidad ng terorismo sa lugar.
Kaugnay ng insidente, kinumpirma ng opisyal na nakalabas na ng ospital ang pito mula sa walong sugatan.
Nagpapagaling naman ang biktimang si Niño Virgo na tinamaan ng shrapnel sa leeg, dibdib at braso.