-- Advertisements --
silvestre bello dole

CAUAYAN CITY – Abala ngayon ang Department of Labor and Employment ( DOLE ) sa kanilang mga programa para sa Post COVID-19 Recovery Plan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Labor Sec. Silvestre Bello III, sinabi niya na kabilang sa mga inihahanda nila ang Barangay Emergency Employment Program at enhanced TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.

Aniya, maraming proyekto sa build, build, build program ng pamahalaan ang nahinto kaya kinausap niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) para ituloy na ang lahat ng mga nabinbin nilang kontrata para magkaroon na rin ng trabaho ang mga nawalan ng trabaho na mamamayan.

Hiniling din nito na gawing manual ang pagtatrabaho at huwag ng gumamit ng ano mang makina gayundin na dagdagan ng 10 hanggang 20 bahagdan ang magtatrabaho.

Bukod dito ay mayroon ding inihahandang programa ang DOLE na ipapatupad kapag wala na ang COVID-19.

Ayon kay kalihim Bello, bibigyan nila ng subsidy ang mga employer para pabalikin ang kanilang mga empleyado at sasagutin ng DOLE ang 20 bahagdan sa kanilang sahod.

Gayunman ay humihingi pa sila ng pondo para sa programang ito.