-- Advertisements --

Mananatili sa pwesto hanggang sa 2022 ang mga nahalal na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) chairmen, matapos ratipikahan ng Senado ang panukalang postponement sa 2020 syncrhonized elections.

Sinabi ni Senate committee on electoral reforms and people’s participation chairperson Sen. Imee Marcos, na ipapadala na ang enrolled copy ng ratified version sa Malacanang para lagdaan ni Pang. Rodrigo Duterte bilang ganap na batas.

Itinakda ang BSK elections sa December 2022 at idaraos ito sa unang Lunes ng Disyembre.

Ayon kay Marcos, makatitipid ang Comelec ng P5.77 billion para sa pagpapaliban at pwedeng ire-align ito sa ibang ahensya na kailangan ng pondo.

Iminungkahi ng senador na ilaan ang nasabing pondo sa Salary Standardization Law 5 ng mga public school teachers para maibigay na ang kanilang dagdag na sahod.

Umaabot kasi sa P10 billion hanggang P11 billion pa ang kulang para matanggap ng mga guro ang kanilang inaasam na wage hike ngayong taon.

Ito na ang ikatlong postponement ng barangay at SK polls sa ilalim ng administrasyong Duterte matapos niyang ipag-utos sa mga mambabatas na aksyunan ang bill sa kanyang 4th SONA nitong July 2019.

Ito ang kauna-unahang panukala ni Marcos na magiging ganap na batas sa ilalim ng 18th Congress.