Sumang-ayon si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez sa pagpapaliban sa Tokyo 2020 Olympics bunsod ng coronavirus disease (COVID-19) outbreak.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ramirez na bibigyan nila ng suporta ang lahat ng mga national athletes na haharap sa mga problema bunsod ng postponement.
Binigyang-diin din ni Ramirez na ang kaligtasan at kalusugan ng mga atleta ang numero unong prayoridad sa ngayon.
“I have always expressed that I favor its postponement, given the way this crisis seems to be taking,” wika ni Ramirez.
“As I’ve mentioned before, the safety and health of the athletes remain our primary concern,” dagdag nito.
Sa kasalukuyan, pinakilos na ni Ramirez ang kanilang Sports Psychology unit upang masuri ang mga atleta at mabigyan ng guidance counselling kung kinakailangan.
Tiniyak din ng opisyal na manageable pa raw ang implikasyon ng pagpapaliban sa prestihiyosong sporting event sa budget na nakalaan para sa mga atletang pasok na sa Olympics.
Sa ngayon, apat na mga Pilipinong atleta na ang kwalipikado sa Summer Games, sa katauhan nina Eumir Marcial at Irish Magno ng boxing, EJ Obiena ng pole vault, at Carlos Yulo ng gymnastics.
Maliban sa PSC, naghayag din ng pagsuporta ang Philippine Olympic Committee (POC) sa naging desisyon na ito ng mga organizers ng Summer Games.
Ayon kay POC president Abraham “Bambol” Tolentino, mistulang “blessing in disguise” pa raw kung tutuusin ang naturang development.
“A 2021 schedule is ideal enough. I favor a postponement because the health and safety of everyone in sports—both in the Philippines and all over the world—is paramount in this COVID-19 pandemic,” wika ni Tolentino.
Una rito, nagkasundo ang International Olympic Committee (IOC) at si Japanese Prime Minister Shinzo Abe na ipagpaliban ang Olympics, na magsisimula na sana sa Hulyo 24, na ilipat na lamang sa susunod na taon.