Ibinunyag ni Top Rank CEO Bob Arum na patuloy umano ngayon ang mga diskusyon kaugnay sa potensyal na bakbakan sa pagitan nina WBO welterweight champion Terence Crawford at dating IBF welterweight titlist Kell Brook sa Nobyembre 14.
Ayon kay Arum, wala naman daw problema lalo pa’t sa ngayon ay free agent si Brook.
“Kell Brook is a free agent, and we’re discussing a Crawford fight with the Kell Brook people,” wika ni Arum sa isang panayam. “That’s on top of our wish list.”
Maalalang nilalakad ng beteranong promoter na magkaharap sina Crawford at WBA welterweight champion Manny Pacquiao sa Middle East, ngunit hindi ito nagbunga.
“I don’t think it’s going to be possible this year, maybe next year,” ani Arum. “We’re working on it, we had the go-ahead to do it, but then the minister of health said not this year, look to do it next year.”
Nitong taon nang ma-knockout ni Brook sa isang junior middleweight bout si Mark DeLuca sa loob ng pitong rounds.
Ang dating undisputed junior welterweight champion naman na si Crawford ay huling tumapak sa ring noong Disyembre 2019 kung saan nagwagi ito kontra kay Egidijus Kavaliauskas sa sagupaang ginanap sa Madison Square Garden sa New York.