Kasalukuyan nang nagsasagawa ng clinical trial para pag-aralan ang potensyal ng tawa-tawa at iba pang mga halamang gamot bilang “adjuvant” o additional treatment para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon kay Science Sec. Fortunato De La Peña, maliban sa virgin coconut oil at lagundi, nagsasagawa rin ng pananaliksik ang kanilang ahensya sa paggamit ng tawa-tawa bilang theraphy para sa mga coronavirus patients na nakararanas ng mild symptoms.
Sinabi ni De La Peña, aprubado na ang nasabing halaman bilang health supplement para sa dengue.
Dagdag ng kalihim, nakapokus ang kanilang pag-aaral sa potensyal ng mga halamang gamot para mapigilan ang paglala ng mga sintomas ng COVID-19 sa mga pasyente.
Sa ngayon, nasa 20 pasyente na ang sumailalim sa clinical trial at kailangan pa raw nila ng nasa 45 karagdagang mga indibidwal.