Hiniling ng grupong United Broiler Raisers Association (UBRA) sa Department of Agriculture (DA) na bantayan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng retail price ng karne ng manok sa mga merkado.
Ginawa ni UBRA Chairman Gregorio San Diego ang apela kasunod na rin ng umano’y napakababang farmgate price ng manok ngunit nananatili namang napakataas ang retail price nito.
Ayon kay San Diego, sa ilang lugar ay umaabot lamang sa P98 kada kilo ang farmgate ng manok habang ang retail ay umaabot na mula P170 hanggang P230 kada kilo.
Dapat aniyang gumawa na ang DA ng akmang hakbang upang panagutin ang mga retailer na nagdaragdag ng labis sa retail price ng kanilang mga panindang karne ng manok.
Giit ni San Diego, nalulugi na ang mga poultry producer dahil sa ang farmgate price na P98 kada kilo ay mas mababa kumpara sa production cost na naglalaro mula P110 hanggang P115 per kilo.
Dagdag sa kanilang pagkalugi aniya ang napakababang demand o mababang bilang ng mga bumibili dahil sa labis na tinataasan ng mga retailer ang presyo sa merkado.