BACOLOD CITY – Inaasahan na bababa ang poverty incidence sa Pilipinas ngayong pirmado na ang batas na mag-iinstitutionalize sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).
Ilang araw na ang nakalilipas ng pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11310 bilang regular poverty reduction program ng gobyerno para sa kwalipikadong pamilya sa buong bansa.
Ibig sabihin, permanente na ang implementasyon ng 4P’s at hindi na lang magdedepende sa executive action o sa desisyon ng nakaupong presidente.
Ang 4P’s ay nagsimula sa panahon ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo at itinuloy ng Duterte administration.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay TUCP Party-list Representative Raymond Mendoza, chairman ng committee on poverty alleviation sa Kamara, ipinagmalaki nito na ma-institutionalize na ang 4Ps dahil masaya na ang mga benepisaryo.
Sa ilalim nito, puwedeng P2,400 ang conditional cash transfer na dadaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa ngayong P1,400.
Ayon kay Mendoza, lumaki ang pondo na itinabi para sa 4P’s bawat taon.
Noong magsimula ang 4P’s sa ilalim ng Arroyo administration, P800,000 lang ang budget ngunit sa ngayon ay umaabot na ito sa P90 billion.
Ang nasabing programa ayon sa mambabatas ay epektibo sa pagpababa ng poverty incidence.
Mula sa 18 percent poverty incidence noong 2018 ayon sa kongresista, inaasahang bababa ito sa 14 percent sa 2022.