ILOILO CITY – Magsasagawa ng imbestigasyon ang binasagang power block sa House of Representatives kaugnay sa naranasang tatlong araw na total blackout sa buong Western Visayas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca) Party-List Representative Presley De Jesus, sinabi nito ang posibleng sa susunod na linggo pa isasagawa ang imbestigasyon dahil naka-recess pa ngayon ang Kamara.
Makakasama nito sa paghain ng resolution ang mga mambabatas rin mula sa energy sector.
Ayon kay De Jesus, ang kanilang itutulak na resolusyon ay iba rin sa House Resolution No. 933 na inihain nga anim na mga kongresista sa Visayas kung saan itinutulak nila ang pagsasagawa ng pagdinig in aid of legislation ng Congressional Committee on Energy sa region-wide unscheduled blackout.
Ito ay kinabibilangan nina Representatives James Ang ng Uswag Ilonggo Party-list, Iloilo City-Lone District Rep. Julienne Baronda, Negros Occidental-3rd district Rep. Jose Francisco Benitez,Iloilo-3rd district Rep. Lorenz Defensor, Iloilo-2nd district Rep. Michael Gorriceta at Iloilo-5th district Rep. Raul Tupas.
Ang komitiba ay pinamumunuan ni Marinduque-Lone District Rep. Lord Allan Jay Velasco.
Ngunit ayon kay De Jesus, bukas rin sila na pagsamahin na lang ang pagdinig dahil iisa rin anya ang kanilang layunin na malinawan sa nangyaring blackout.
Anya, nais nila na paliwanagin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa kanilang kabiguan.
Nais rin anya nila na makahanap ng solusyon at magpasa ng batas upang hindi na maulit pa ang blackout.