ILOILO CITY – Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Panay Electric Company (PECO) na maipagpatuloy pa ang 97 taong ginagampanang papel bilang power distributor sa lungsod ng Iloilo.
Ito ay sa kabila ng pagbasura ng House committee on legislative franchise ng re-application nila ng prangkisa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mikel Afzelius, corporate affairs manager ng PECO, sinabi nito na hindi pa katapusan ng lahat kaya’t gagawa ito ng mas maayos na representasyon upang ipaintindi sa mga mambabatas ang kanilang intensyon.
Ayon kay Afzelius, plano ngayon ng Panay Electric Company na maghain ulit ng franchise application sa Kamara.
Aniya, hindi nabigyan ng pagkakataon ang PECO na magsalita at masagot man lang ang mga tanong o isyu na binabato sa kanila.
Pahayag pa ni Afzelius, nabigla lamang siya sa biglaang pag-schedule ng hearing kahit na hindi pa nila natapos na maipasa ang ilang mga dokumento.
Desididong mag-file ang PECO dahil walang kagamitan o assets ang MORE electric and power corporation upang magbigay ng kOryente kahit na mayroon na itong prangkisa.