-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak umano ng mga power producers at power distributors sa Commission on Elections (Comelec) na walang magiging problema sa suplay ng kuryente sa May 13 midterm elections.

Ito ay maliban pa sa naging pagsiguro ng Department of Energy (DOE), partikular na ng Electric Power Industry Management Bureau, na walang mangyayaring power shortage sa mismong araw ng halalan.

Sa katunayan, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez sa Bombo Radyo Vigan na mayroong dalawang commitment o pangako ang mga power producers at distributors sa poll body bilang pagtiyak na hindi mawawalan ng suplay ng kuryente ang iba’t ibang panig ng bansa sa May 13.

Ayon kay Jimenez, sinabi ng mga kompanya at planta na uunahin o gagawin nilang priority ang power needs ng poll body sa mismong araw ng eleksyon base sa schedule o oras na ibinigay nila kung kailan kritikal na bahagi ng election process.

Pangalawa aniyang tiniyak ng mga kompanya sa ahensya na kapag mayroon silang natanggap na report hinggil sa nasira o natumbang linya ng kuryente ay agad silang reresponde upang hindi maapektuhan ang pagboto ng mga botante.

Kaugnay nito, inamin ng tagapagsalita ng poll body na mas critical ang halalan ngayon dahil magsisimula ito ng alas-6 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.