CAGAYAN DE ORO CITY – Iginiit ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) na hindi extortion or panghingi ng revolutionary tax ang pangunahing layunin ng kanilang pag-atake sa Minergy Plant sa Sitio Bawsan, Brgy. Quezon, Balingasag, Misamis Oriental, nitong Lunes ng umaga.
Ito ang sinabi ni Ka Nicolas Marino, nagpakilalang spokesperson ng NPA-Misamis Oriental Command.
Aniya, rumesponde lamang daw sila sa hinaing ng mga residente na masamang dulot ng ibinubugang hangin mula sa coal-powered plant, pagkasira ng kapaligiran, at pagkakasakit ng mga residente ng ubo, asthma at iba lang lung related diseases.
Dahil dito, dinisarmahan ng NPA ang walong security guard ng planta.
Samantala, nilinaw naman ni P/Lt. Princess Velarde na hindi napasok ng NPA ang pasilidad o planta ng Minergy.
Aniya, ligtas ang lahat ng empleyado ng planta at tanging mga security guard na nasa labas ng pasilidad ang nakunan ng armas.
Iniimbestigahan na ng Misamis Oriental PNP ang puno’t dulo ng naganap na krimen.