Nakaranas umano ng kawalan ng supply ng koryente ang kalahati ng lalawigan ng Batangas matapos na manalasa ang bagyong Quinta.
Ayon kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, kabilang sa nawalan ng suplay ng koryente ang Batangas City, Lipa, bayan ng Tanauan, Bauan at ilan pa.
Marami rin aniyang mga kalsada ang pansamantala munang isinara dahil sa naghambalang na mga punongkahoy at ilang insidente ng landslide.
Iniulat naman ni Marinduque Governor Presbitero Velasco, na may mga kalsada ang hindi rin madaanan dahil sa mga pagbaha.
Maging ang kanilang mga pananim ay lubog din sa baha lalo na ang mga palayan.
Pansamantala ring pinutol muna ang supply ng koryente sa kanilang lugar.
Para naman kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, inilarawan niya si “Quinta” bilang pinakamatagal na bagyo.
Nagdulot ito nang pagkalubog sa baha ng marami nilang lugar kaya naman libo rin ang mga inilikas na residente.
Marami rin aniyang mga imprastraktura at mga kabahayan ang sinira ng kalamidad.
Wala namang naiulat na casualty sa kanilang lalawigan.
Sa Albay, bago pa man nag-landfall ang bagyo, libu-libong mga residente rin ang inilikas lalo na sa bayan ng Tabaco.
Sa Quezon province naman, kinumpirma ni Governor Danilo Suarez na walang supply ng koryente ang 3rd at 4th district.
Nangangamba rin ito na matatagalan pa bago makarekober ang mga magsasaka dahil sa panibagong kalamidad.
Una rito, bago lamang dumaan din sa kanilang lugar ang bagong Pepito.
Ang iba pang lugar na nakaranas din ng power interruptions ay sa lalawigan ng Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Masbate and Sorsogon.
Ang Office of Civil Defense at PCG ay nakapagtala rin ng mga stranded na pasahero sa bahagi ng Mimaropa, mga pantalan ng Occidental Mindoro, Romblon, Southern Luzon, Bicol, Eastern Visyas, Manila at iba pa.