Muling ibinabala ng Manila-based policy group na Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC) ang kanilang projection sa posibleng maranasang power interruptions sa ikalawang quarter ng taon kabilang na ang kritikal na araw ng halalan sa Mayo 9.
Ito ay kung magpapatuloy na mananatiling offline ang coal-fired power plants.
Binigyan diin muli ng grupo ang findings nito sa inilabas na report noong nakalipas na buwan na maaaring makaranas ang Luzon power grid ng rotating blackouts kahit na nauna ng sinabi ng grid operators na ang kanilang summer power outlook ay magiging sapat subalit manipis ang reserba sa mga susunod na buwan habang papalapit ang halalan at pagkatapos ng eleksiyon.
Ayon kay ICSC chief Data Scientist Jephraim Manansala, base sa power outlook mula sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), ang manipis na operating reserves ay magsisimula sa ikatlong linggo ng buwan ng Abril ng kasalukuyang taon hanggang sa huling linggo ng Mayo.
Kapag aniya magpapatuloy na naka-shutdown ang baseload coal plants ngayong critical period, maaaring maubos ang manipis na operating reserve at magpalala ng rotating blackouts ang forced outages.
Ayon pa kay Manasala nananatiling naka-shutdown hanggang sa nagyon ang ilang coal plants gaya ng 300-megawatt (MW) Calaca Unit 2 at 123-MW SLTEC Unit 2.
Paliwanag ni Manasala na ilang mga planta ang nakakaranas ng unplanned outages ilang linggo matapos ang kanilang scheduled maintenance.
Sa panig naman ng Department of Energy (DOE), ipinaliwanag ni Energy Secretary Alfonso Cusi na kahit na maging offline ang largest power plant sa grid mayroon pa rin aniyang sapat na kapasidad sa sistema at hindi ito magreresulta ng anumang power interruption.